Panliligaw

16Jul07

Sabi ni Bro. Javi, hayaan daw naming ligawan at ligawin kami ng Panginoon. Para sa akin, napakalalim ng simpleng hiling na ito. Una, hindi sanay ang mga lalake na nililigawan. Mas sanay kaming nanliligaw. Laging sinasabi ng mga kaibigan kong babae na mahirap maging katulad nila dahil mahirap maghintay ng manliligaw. Maswerte raw kaming mga lalake at nakakapanligaw kami. Mahirap din daw na alamin kung nanliligaw nga ba ang binata o nakikipaglandian lang. Sa gayon, kailangan ng matinding pandamdam at pag-iisip kung ako’y liligawan ng Panginoon. Kailangan ma-bata ko na ang Panginoon nga ang siyang kumakatok sa aking puso.

Ngunit hindi roon natatapos. Kailangan, matuto rin akong magpa-ligaw sa Kanya. Mahirap maligaw mag-isa. Ngunit mas madali kung may kasama. Ngunit hindi dapat kung sino-sino na lamang ang kasama, mapagkakatiwalaan dapat siya. Mahirap ding maligaw. Mahirap mawalan ng kasiguraduhan. Mahirap ang buhay na puro pagkapa. Ngunit kung ang Diyos ang siyang kaagapay, wala na akong dapat pang ipangamba.

Nawa’y matutunan kong magpaligaw sa Panginoon at maligaw kasama Niya.


Tatlong oras lamang ang tulog ko. Kailangan ko kasing gumawa ng mga takdang-aralin. Marami pang kailangang basahin. Lagi na lamang akong kulang sa tulog? Aabot pa kaya ako ng walumpung taong gulang?

Aking inilista ang aking mga kailangang gawin. Mahaba ang nagawa ko. Marami pa palang mga tungkuling dapat tugunan. Hindi na siguro matatapos ito. Maghahanap na lamang ako ng mga tao na tutulong sa akin. Hindi ko talaga ito kaya mag-isa.

Marami pang kailangang aralin. Ayaw ko silang takasan. Ang oras ay hindi lumilipad, ito ay nasa aking mga kamay.


Nalulunod

17May07

Kay raming dapat gawin. Kay raming dapat isipin. Ngunit huwag mo akong mamasamain. Ito’y mga “dapat” sapagkat ito’y mga kagustuhan ko. Gusto kong gawin ang “dapat”. Ayan tuloy, nalulunod na pala ako.

Pahingi ng tulong. Huwag mo akong iwan. Mayabang lang talaga ako.

Sana maging tulad ako ni Dr. T, alam ang gusto sa buhay, maprinsipyo, at ginagalang. Marami kaya siyang gustong gawin sa buhay? O ang sikreto niya’y pili lamang ang gusto niyang gawin? Ako kasi, maraming gustong gawin. Nag-uugat siguro ito sa mataas kong pagtingin sa sarili. Alam kong biniyayaan ako at tungkulin ko sa Diyos ko na gamitin ito hanggang sa maubos ako na parang toothpaste na sinimot, niyupi, nirolyo, at pinipi. Sa makatuwid, ang buhay ko ay nakatuon sa paghahasa sa aking kakayahin upang gamitin sa kasalukuyan at lalung-lalo na sa hinaharap. Mag-iipon ako upang bukas ay ubusin din. Ako ay sisidlan, isang instrumento, at Diyos ang kamay na gumagamit sa akin. Ngunit ‘di ko inaangat ang sarili ko sa iba. Sa tingin ko lahat ng tao ay magaling ngunit hindi mulat o wala nang pag-asa, o ‘di kaya’y walang tiwala sa sarili.

Makapangyarihan ako. Alam kong ito’y totoo.


Tumawag sa akin si Roselle kanina. Nasa bahay daw siya ni Jerome. Mayroon daw siyang kwento. Pinakinggan ko naman. Pinagalitan na naman daw siya kagabi sa kanila. Naipasok na naman yung tungkol sa pag-aaral niya at kung paano iyon nagiging pabigat sa mga “magulang” niya. “Pinalayas” daw siya ng tatay niya. Umalis naman siya at nakitulog sa isang kaibigan. Tinatawagan daw siya ng mga “magulang” niya sa cellphone. Hindi niya sinasagot. Tinetext pa siya ng ganito – “Roselle, hindi ka na ba uuwi?” Kinabukasan (kanina), pinauwi siya ng kaibigan niya.

Umiyak si Roselle sa telepono. Naiinis daw siya. Naiinis siya sa nanay niya dahil pinamigay siya. Sabi ko, huwag siyang magalit sa kaniya sapagkat baka naman may mabigat na dahilan kung bakit niya ginawa iyon. Hindi raw niya alam ang gagawin niya. Gusto daw niyang lumayas dahil lagi na lamang siyang binubulyawan sa kanila at sinasabihang pabigat lamang siya. Sabi ko huwag siyang maglalayas kundi, magagalit ako sa kanya. Pinapatigil na raw siya sa pag-aaral. Ayaw niya. Sa katunayan, gusto niyang maging scholar kaso natatakot siya kasi mabababa ang mga marka niya. Sabi ko sa kaniya, kung gusto niyang maging scholar mahalin niya ang pag-aaral at huwag siyang maging pihikan sa pag-aaralan. Kung para sa mga “magulang” niya, walang patutunguhan ang buhay niya, patunayan niyang mali sila. Ngunit hindi nangangahulugang dapat niya silang sagut-sagutin at bastusin. Hindi tama iyon.

Ano kaya ang maitutulong ko sa kanya?


Nakakapagod

11May07

Nagkaroon kami kanina ng mahabang pagsusulit sa Hi165. Medyo mahirap ang pagsusulit at natatakot ako sa makukuha kong marka. Hindi ako gaanong nakapag-aral sapagkat marami akong iniisip. Isa na rito ang problema ko sa mga kaibigan ko sa amin. Mahirap isalaysay ang mahaba-habang kwento ng puno’t dulo ng aking problema. Ngunit sapat nang sabihin na hindi ako makatulog dahil sinira ko ang tiwala ng isang kaibigan para sa ikabubuti ng isa pang kaibigang mas malapit sa aking puso. Alam kong tama ang aking ginawa.

Nakakapagod ang buong linggong lumipas. Sa katunayan, nakakapagod ang buong tag-araw. Masyadong mabilis ang mga araw. Maraming kailangang basahin. Nahuhuli na nga ako sa mga babasahin sa PolSci. Hindi na ako gaanong nakakapagsalita sa klase. Napapagiwanan na rin ako sa mga pagsasaliksik na kailangan kong gawin para sa papel sa PolSci. Hanggang ngayon nga ay hindi pa rin ako sigurado sa napili kong paksa. Kaalinsabay nito ay kailangan ko na rig pagisipan kung anong track ang nais kong kunin. Hindi pa rin ako makapili. Hindi pa nga ako sigurado kung gusto ko ba talaga mag-politiko.

Nakakapagod mag-isip. Hindi lamang pag-aaral at personal na buhay ang kailangang isipin. May mga tungkulin pa akong dapat gampanan tulad nang sa COMELEC at ASLA. Nahuhuli na rin ako sa mga trabaho rito. Kulang na kulang ang 24 oras. Gahol na kami sa trabaho sa COMELEC. Malapit nang magpasukan at kailangan nang tapusin ang aming Project Square One.

Sa sobrang pagod ko, matapos naming manood ng Spiderman3 sa Eastwood ay parang nahihilo na ako sa antok. Habang kumakain kami ng ISO Girls sa Dencio’s ay parang gusto ko nang matulog. Buti na lamang ay nagising ako sa amoy ng pagkaing inihain sa amin.

Maraming pa akong kailangang gawin. Tanging hiling ko ay mapawi lahat ng aking pagod nang sa gayon ay matapos ko na ang lahat ng dapat tapusin.


Buong araw akong tulog sa aking kama. Pagkauwi ko mula sa aking tanging klase, nakatulog na ako. Dala ito marahil ng gabi-gabing pagpupuyat ko. Nagising ako nang bandang 4:30 ng hapon. Hindi na ako nakapag-tanghalian. Tinanong ako ni Jamie kung naipasa ko na ba ang service card ko, ngayon na kasi ang patay na guhit para sa pagpasa nito. Nawala ang aking antok at nagmadaling hinanap ang aking service cards at ang aking 1×1 na larawan. Nakasulat sa pirasong papel na nakakabit sa service card na hanggang 4:00 na lamang ang pagtanggap nito sa OAA. Nagmadali akong nagtungong Ateneo. Takot na takot akong masarhan ng OAA dahil kung ganoon na nga ang mangyari, magbabayad ako ng 1,000 piso bilang multa sa huling pagpasa ng service card.

Matapos kong maipasa ang service card, naghintay ako sa Kostka. May pulong kasi ako sa loob ng ilang minuto. Ang pulong na iyon ay patungkol sa isyu ng Abstention noong nakaraang halalan sa Ateneo kung saan ako’y COMELEC Commissioner.

Nang dumating si Imman, ang aming chief commissioner, nagtungo na kami sa opisina ng ADSA sapagkat doon magaganap ang pulong.

Naging maganda, at masaya ang takbo ng pulong. Binigyan kami ni RSA ng C2 at cookies. Tamang-tama iyon para sa kumakalam kong sikmura. Muli naming binuksan ang usapin ayon sa Abstention. Hindi naman layunin ng pulong na baliktarin ang nauna nang hatol ng Student Judicial Council. Bago wakasan ang pulong, napagkasunduan na magkakaroon ng isa pang pulong upang pag-usapan kung ano ba ang mga hakbang na maaaring tahakin patungkol sa isyu tulad ng posibilidad na magkaroon ng public hearing. Natutuwa naman ako sa kinalabasan ng pulong. Mabuti na rin at nakapagpanayam na ang ilan sa mga partido sangkot sa nasabing usapin. Simula pa lamang ito ng aming muling pagkilatis sa mga kaganapan nang huling halalan. Mabigat at maselan ang haharapin ng Cookie Commission sa malapit na hinaharap.


Kaninang umaga, may nangyaring kakaiba sa akin. Itinala ko na ito sa aking blog. Ikinuwento ko na ito sa maraming tao. Marahil, para sa kanila mababaw lamang ito – isang kakatuwang pangyayaring masarap ipangasar sa akin. Ngunit hindi ganito ang talab ng maikling tagpong iyon. Bumabalik ang dating mga takot na nagmula pa noong Oktubre nang nakaraang taon – noong ako’y hinoldap sa Katipunan.

Kanina, habang naglalakad ako pauwi, bawat taong makasalubong ko, pinaghihinalaan ko. Marami akong nakasalubong at maraming pinaghinalaan. ‘Di kinalaunan, nanghina ang tuhod ko. Nanaig ang takot sa aking damdamin.


Nag-orals ako para sa PolSci 100 kanina. Buong araw kong pinag-iisipan at binabaliktanaw ang mga natutunan ko sa loob ng nakaraang tatlong linggo. Sinisigurado kong malinaw sa aking isip at gamay ko ang mga tinalakay sa klase. Iyan naman talaga ang tungkulin ko bilang mag-aaral. Sapagkat ang pangkatan ang orals, kinailangan naming magpulong bilang isang pangkat. Sang-ayon ako sa mungkahing ito. Isa lamang ang marka ng buong pangkat kaya’t ano mang paghahanda ko ay mauuwi sa wala kung ang aking mga kapangkat ay hindi rin makasasagot.

Ipinasabi ko na kagabi na kapag magpupulong kami, dapat ay handa na silang makipagtalastasan. Sa kasawiang-palad, nang kami’y magpulong lumabas na para itong consultation session, sila ang mga mag-aaral at ako naman ang guro. Naka-aasar ito dahil sa halip na inaayos at binabalangkas na namin ang aming kaalaman, ay kinailangan ko pang punahin ang mga patlang sa kanilang isipan.

Hindi na ito bago sa akin. Ngunit hindi ako bumibigay sa tuksong isubo sa kanila ang lahat ng sagot. Mali iyon. Kung ganoon na nga, parang pinahintulutan ko silang maging mga tamad. Hindi tama iyon. Dapat matuto ang bawat mag-aaral na magsumikap, hindi para sa marka kundi para sa kaalamang limpak-limpak na piso ang halaga. Dapat lamang na sulitin namin ito.


Mayroong nagsabi na “mabuti pa ang CL, sa Enrichment kasi puro tawa lang”. Ilang ulit ko nang sinabi sa kanila na hindi sa lakas ng tawanan nasusukat ang talab ng Enrichment. Ito ay nasa lalim ng pagtataya ng kanilang mga sarili. Ito ay mababanaag sa kahandaan ng mga mag-aaral na magbahagi ng kwento ng mga buhay nila.

Hindi kami payaso. Kuya at ate kami, dapat.


Pambungad

07May07

Muling ipinaliwanag ni Dr. Totanes ang kahalagahan ng paggamit ng sariling wika. Ayon sa kanya, isa itong tanda ng pagmamahal sa bayan. Itinulad niya ito sa pag-rehistro para bumoto. Ito ang ilan sa mga munting mga gawain upang maipakita at mapagyaman ang pagmamahal sa bayan. Kanyang hinasa ang kakanyahan sa paggamit ng wikang Filipino sa pamamagitan ng pagsusulat ng talaarawan gamit ang wikang ito. Aking napagisip-isip na matagal ko na ring ninanais na magkaroon ng sariling talaarawan na hiwalay pa sa aking blog

Dito sa aking talaarawan, ako ang bida. Masasalamin ang mundo sa aking mga mata. Sa aking mga titik magmumula ang buhay at sa pagitan ng mga ito ay ang karimlan.




Follow

Get every new post delivered to your Inbox.